PNP at GCash, Inaresto ang Isang Online Task Scammer

 

PNP at GCash, Inaresto ang Isang Online Task Scammer

Naaresto ng Philippine National Police ang suspect sa likod ng online work scam na resulta ng pakikipagtulungan sa nangungunang finance app sa bansa, ang GCash. 

Karaniwang modus ng scam ang paghikayat sa biktima na gawin ang mga online tasks kung saan kailangan mag-invest ng pera para magkaroon ng komisyon. Kinilala ang suspect na si Danica Dela Cruz Valdez, 21 taong gulang at residente ng Balayong, Malolos City, Bulacan. Sa umpisa, binayaran ni Valdez ang biktima para gawin ang task at makuha ang kanyang tiwala.

Nasundan pa ito ng ibang tasks, hanggang inobliga na ni Valdez ang biktima na tapusin ang buong proyekto bago bigyan ng komisyon, kung saan nag kailangang mag-invest ng mas malaki. Pumayag naman ang biktima at pinadala ang bayad sa account ng suspect.

Naging mas komplikado pa para sa biktima ang mga naturang gawain dahil nagkaroon na rin ng umano’y crypto account, na pinilit siyang magbigay ng karagdagang bayad, kung gusto niyang maibalik ang kanyang investment oras na matapos na ang lahat ng tasks. Sa kabuuan, umabot sa P314,080 ang nakuha sa biktima.

Bilang bahagi ng patuloy na inisyatibo na turuan ang publiko kung paano protektahan ang kanilang sarili sa scams at iba pang financial cyber crimes, muling nagpaalala ang GCash sa mga users na gawin ang dagdag na pagbabantay, at magkaroon ng kaalaman tungkol sa iba’t ibang uri ng scam.

“Sa pagkakaroon ng milyon-milyong users at layunin na financial inclusion, safety ang top priority ng GCash. Nananatili kaming matatag sa seguridad ng aming mga users. Patuloy kaming makikipagtulungan sa Philippine National Police para mabilis na matugunan and anumang scam, fraud, at cybercrime,” sabi ni Atty. Gilbert Escoto, Head of Legal ng G-Xchange Inc. (GXI), ang mobile wallet operator ng GCash.

Habang patuloy ang kooperasyon sa law enforcement agencies, hinimok pa rin ng GCash ang mga users na maging mapagbantay laban sa mga scammers at fraudsters. Huwag ibahagi kaninuman ang kanilang MPIN at One-time Pin (OTP). Sa pagtaas ng mga kaso ng phishing, pinapayuhan rin ang mga users na huwag i-click ang mga link, lalo kung galing sa hindi kakilala.

Para sa assistance, makipag-ugnayan sa PNP-ACG sa kanilang hotlines sa (02) 8414-1560, 0998-598-8116 o mag email sa acg@pnp.gov.ph

Para mag-report ng scams, bisitahin ang official GCash Help Center sa app o sa help.gcash.com, i-message si Gigi, at i-type ang “I want to report a scam.” Hindi magpapadala ang GCash ng private messages para tanungin ang personal information lalo na ang MPIN at OTP. Pwede ring tumawag ang mga customers sa official GCash hotline sa 2882 para sa iba pang concerns.

Para sa iba pang impormasyon, bisitahin ang  www.gcash.com.ph

Post a Comment

Previous Post Next Post