Spoofing Ginagamit ng mga Scammer Para Magpanggap na GCash

 

Spoofing Ginagamit ng mga Scammer Para Magpanggap na GCash

#GCash muling nagbabala na iwasan ang mga text na naglalaman ng mga phishing links
Ikaw ba ay nakakatanggap ng text mula sa “GCash” na nang-eenganyo na pindutin ang nilalamang link nito?  

Nagbabala ang GCash sa publiko laban sa spoofing scam kung saan ang mga scammer ay nagpapanggap bilang mga lehitimong institusyon, tulad ng mga e-wallet, bangko, at mga service providers. 

Ang mga scammers ay gumagamit ng mga ilegal na devices para magpadala ng mga mensahe na may phishing link at nagpapanggap na taga-”GCash” para linlangin ang mga users. Kapag na-click ang phishing link, makukuha ng scammers ang mga sensitibong impormasyon para sa ‘account takeover’ o unauthorized access sa account ng users.

Ang GCash ay hindi kailanman magpapadala ng anumang SMS o text message na may mga link na humihingi ng sensitibong impormasyon ng mga users, tulad ng mga personal na detalye, password, MPIN, o OTP.

 

Upang maiwasan ito, nagbigay ng payo ang GCash para matukoy kung ang mga natatanggap na text o tawag ay tunay.

Alamin kung ano ang spoofing at modus nito. Ang spoofing ay isa sa mga pinakalaganap na uri ng scam. Ang mga user ay makakatanggap ng mga private message (PM), text, o tawag mula sa scammer at magpapanggap ito na empleyado ng kilalang bangko, service provider, o maging ahensiya ng gobyerno.

Pakay ng spoofing scam ay pindutin ng biktima ang phishing link sa PM o text na magbibigay daan para ma-hack ang kanilang mga e-wallet at bank account. Kung ito naman ay tawag sa telepono, pilit na hihingin ng scammer ang mga sensitibong detalye ng user para gamitin sa account takeover ng kanilang e-wallet, bank account at maging social media profiles.

Alamin ang pinanggalingan ng mensahe o tawag. Maging mapanuri sa pinanggagalingan ng isang PM, text, o tawag. Ang GCash ay gumagamit lamang ng mga opisyal at verified na communication channels. Kung ang mensahe o tawag ay humihingi ng mga personal na impormasyon, ito ay tiyak na kahina-hinala. Tumawag muna sa mga opisyal na hotlines ng GCash para makasiguro kung lehitimo ang tumawag o nagmensahe sa iyo.

Alamin ang mga red flags. Isang mahalagang 'red flag' sa mensahe o tawag ay ang 'sense of urgency' - ipipilit ng scammers na agaran mong i-padala ang mga sensitibong detalye. Ginagamit ito ng mga scammer para madaliin ang mga biktima na ibigay ang kanilang mga sensitibong impormasyon.

Isa pang palatandaan ay kapag may kasamang link sa mensahe—hindi kailanman magpapadala ng link ang GCash sa ganitong mga sitwasyon. Magduda lalo na’t kapag MPIN o OTP ang hinihingi dahil hindi kailanman ito hihingin ng GCash. Tanging ang user lamang ang dapat nakakaalam ng kanilang password, PIN, at OTP

Secure connection lang ang dapat gamitin. Kapag gamit ang GCash account, siguraduhing private network ang gamit na Wi-Fi dahil ito ay secure. Iwasan ang pag gamit ng public Wi-Fi kapag ina-access ang GCash dahil ito ay bukas sa cyberattack.

I-report ang mga kahina-hinala. Kung ikaw ay naghihinalang nakakuha ng spoofing message o tawag, i-report agad sa GCash. Ito ay maaaring gawin sa GCash app. Maari rin pumunta sa opisyal na GCash Help Center sa https://help.gcash.com/hc/en-us at i-message si Gigi. I-type ang 'I want to report a scam'. Maari rin tumawag sa GCash hotline na 2882.

Paalala muli na ang GCash ay hindi kailanman hihingiin ang MPIN o OTP ng user.

Hangarin ng GCash ang isulong ang financial empowerment ng mga users. Ito na rin ang dahilan kung bakit kinakailangang mapanatiling ligtas ang digitial financial ecosystem para sa lahat.

Para sa karagdagang impormasyon, pumunta lamang sa https://www.gcash.com

Post a Comment

Previous Post Next Post